▼
Friday, June 28, 2019
Mamamayan sa Kalibo, buong Aklan pinag-iingat sa mga nag-iinspeksyon ng LPG
NAGBABALA ANG Sangguniang Barangay ng Poblacion, Kalibo sa taumbayan na mag-ingat sa mga nagbabahay-bahay at nag-aalok na inspeksyunin ang LPG.
Ayon kay Kagawad Kim Melgarejo, ilang reklamo umano ang natanggap ng barangay kaugnay sa mga taong ito na nag-iinspeksyon ng walang mga kaukulang dokumento.
Sinabi ni Melgarejo na kahit walang sira ang LPG ay sasabihin nito na hindi na ligtas at isa umano sa kanilang modus ang mag-alok ng mga gadget para sa LPG para bilhin ng taumbahay.
Hindi umano mga taga-rito ang mga ito na ilan sa kanila ay dumarayo pa mula sa Cebu at sa ibang lugar. Wala umano itong koordinasyon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Kalibo at sa Sangguniang Barangay.
Samantala, sinabi naman ni FO1 Sandro Fernando, tagapagsalita ng BFP-Kalibo na tanging ang mga bombero lamang ang otorisadong mag-inspeksyon sa mga bahay kabilang na ang mga LPG.
Sa ngayon umano wala silang binigyan ng otoridad na magsagawa ng ganitong pag-iinspeksyon. Ang BFP umano ay nag-iinspeksyon sa mga establishment kapag nag-aapply ng business permit.
Kaugnay rito, sinabi ni Fernando na ang mga otorisadong mag-inspeksyon ay nakasuot ng uniporme ng BFP at may otorisasyon mula sa pumunuan ng lokal ng BFP at may ugnayan sa barangay.
Kapag may ganito aniyang insidente ay ireport lamang sa barangay, sa kapulisan o sa mga bombero.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment