▼
Monday, January 21, 2019
"Zero major incident" sa selebrasyon ng Ati-atihan Festival 2019 - PCSupt. Bulalacao
NAGING GENERALLY peaceful ang katatapos lang na sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan Festival sa bayan ng Kalibo na walang anumang malaking sakuna na naitala ayon sa kapulisan.
Lunes ng umaga sa flag raising ceremony sa Camp Pastor Martelino ay binigyang pugay at parangal ni PCSupt. John Bulalacao, regional director ng Police Regional Office 6, ang mga kapulisan na itinalaga sa festival.
Ayon kay General Bulalacao, "zero major incident" ang selebrasyon ngayong taon. Bumaba rin aniya ng husto ang mga street incidents. Kumpara noong 2018 na may sampung kaso ng physical injury, ngayong taon ay dalawa lamang aniya.
Kung may ilan man aniyang insidente ay maliliit lamang o hindi na naiulat sa kapulisan. Ang iba aniya ay nagkaayos nalang at hindi na nagsampa ng kaso.
Sinabi pa ni Bulalacao na ang matagumpay na pagpapatupad ng seguridad sa selebrasyong ito ay gagayahin rin nila sa iba pang selebrasyon gaya nalang ng nalalapit na Dinagyang Festival sa Iloilo.
Pinarangalan niya rin ang ilang miyembro ng PNP dahil sa mga accomplishment gaya nalang ng pagkakaaresto sa isang snatcher, at mga drug personalities sa kasagsagan ng selebrasyon.
Pinsalamatan rin niya at binigyan ng parangal ang ilang stakeholders gaya ng media, mga emergency support unit, at ang pamahalaang lokal ng Kalibo at ang event organizer sa pagsuporta sa kapulisan.
Samantala, sa kanyang mensahe naging emosyonal si Kalibo Mayor William Lachica sa ipinamalas na kagitingan at tiyaga ng kapulisan para sa aniya isang "very, very successful event."
Pagkatapos ng seremonya ay babalik na sa kani-kanilang mga unit ang kapulisan. Matatandaan na kabuuang mahigit 1,600 kapulisan, sundalo at emergency response team ang itinalaga sa festival bilang bahagi ng Site Task Group Ati Fest 2019.##
- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment