▼
Thursday, January 03, 2019
Klase sa Lezo Integrated School tuloy parin pagkatapos masunog ang eskwelahan
TULOY PARIN ang klase para sa mga mag-aaral ng Lezo Integrated School sa pagsisimula ng kanilang klase pagkatapos ng mahigit dalawang linggong bakasyon.
Matatandaan na gabi ng Disyembre 17 ay nasunog ang 12 kuwarto ng nasabing paaralan. Ang mga nasunog ay mga silid-aralan ng kinder hanggang Grade 6.
Nasunog rin ang silid-aklatan, at tanggapan ng punong-guro. Sa taya ng Bureau of Fire - Numancia umabot sa Php6.4 million ang pinsalang iniwan ng sunog.
Sa obserbasyon ng Energy FM Kalibo siksikan sa Home Economics building ang mga kindergarten pupils na pansamantalang nagkaklase rito.
Ginagamait naman ng mga mag-aaral sa Grade V ang stage ng paaralan na pansamantalang tinakpan sa gilid para magsilbing silid-aralan nila.
Ang iba naman ay ginagamit ang agri-building at iba pang bakanteng silid. Sa kabila nito, sinabi ni Gil De Mariano, punong-guro, na problema nila ang kakulangan ng mga aklat.
Aniya aabot ng 200 ang mga mag-aaral na naapektuhan ng sunog. May pangako narin umano ang Department of Education na pondohan ang pagtatayo ng pansamantalang silid para sa mga estudyante.
Nagpapasalamat naman siya sa tulong ng mga stakeholders at mga Alumni ng paaralan. Umaapela parin siya sa ilang alumni na matulungan silang makalikop ng pondo.
Matatandaan na lumabas sa imbestigasyon ng BFP-Numancia na nag-ugat ang sunog sa depektibong seiling fan sa Grade 3 room.##
No comments:
Post a Comment