▼
Saturday, January 05, 2019
Aso nasa 2 linggo nang nakaburol sa Kalibo; desenteng libingan nakahanda narin
ISANG ASO ang dalawang linggo nang nakaburol at pinaglalamayan ngayon sa isang bahay sa Oyo Torong Street, Brgy. Poblacion, Kalibo.
Ang aso na namatay noong Disyembre 17 ay pinangalanan na Nikki, isang Japanese Spitz, pitong taon-gulang.
Kuwento ng nag-alaga na si Albert Manalo, nabili umano niya ang aso sa kakilala niyang beterinaryo at inalagaan ng mabuti.
Simula 2010 umabot na sa lima ang kanyang inaalagaang aso. Katabi pa nga umano niyang matulog ang dalawa.
Napamahal umano siya sa mga aso. Katunayan hindi niya makakalimutan ang pagliligtas sa kanya ng isa pang aso sa kapahamakan.
Ginising umano siya ng aso madaling araw noong 2015 at nalaman na nasusunog na ang kanilang ceiling fan bagay na naagapan.
Kaya labis siyang nalungkot nang mamatay ang isa niyang alaga. Ilang beses umano niya itong pinagamot pero hindi rin naagapan.
A
Ayon umano sa doktor, napag-alaman na atake sa puso ang ikinamatay ng aso.
Kaugnay rito binigyan niya ng burol ang aso. Inilagay niya sa kahon ang aso at inaalayan ng mga bulaklak at kandila.
Ilan umano sa kanyang mga kaibigan ang dumadayo rin para makiramay sa nangyari.
Ginawan na niya ng libingan sa kanilang terasa ang aso at plano niya itong ilibing sa Enero 23 pa umano pagkatapos ng Ati-atihan Festival.
Mensahe niya sa mga dog lover na alagaang maigi ang mga aso nang sa gayon ay walang pagsisisi sa huli.##
- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment