Natagpuan sa isang bakuran ang isang fetus na nakalagay sa garapon sa brgy. Poblacion, Libacao, kahapon.
Ang garapon ay aksidenteng nahukay matapos ipaayos ng isa sa mga nakatira sa compound ang kanilang CR.
Ayon sa mga kapulisan, posibleng nasa limang buwan na sa sinapupunan ang nasabing fetus na nasa state of decomposition na.
Una nang dinala sa health center ang nasabing mga garapon samantalang nakatakda rin itong ipasuri sa mga taga-Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Libaco police station kaugnay rito.
▼
Friday, June 23, 2017
MGA OPISYAL NG DENR NAGSAGAWA NG INSPEKSYON SA BORACAY
Nagsagawa ng inspeksyon ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilang lugar sa isla ng Boracay.
Ang inspeksyon ay ginawa kasunod ng meeting na dinaluhan ni Environment Secretary Roy Cimatu kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Malay at mga stakeholder sa Boracay.
Natuon ang usapin sa problema sa basura, land issue at kalidad ng tubig sa nasabing isla.
Kabilang sa inispeksyon ay ang material recovery facility sa Manocmanoc , beach front at ang mga drainage facility.
Ang resulta ng inspeksyon ang magiging basehan ng DENR sa pagbuo ng sulusyon sa mga problemang kinakaharap ng Boracay.
Matatandaan na una nang nangako si Cimatu na tutukan niya ang mga environmental concerns sa naturang isla. (PNA)
KALIBO PNP NAKAALERTO SA POSIBLENG PAG-ATAKE NG MGA REBELDENG GRUPO
Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nakahanda ang mga kapulisan sa Kalibo sa posibleng pag-atake ng mga rebelde o mga teroristang grupo sa kabesarang bayan ng Aklan.
Ito ang naging pahayag ni PSInsp. Honey Mae Ruiz, deputy chief of police ng Kalibo PNP, sa panayam ng Energy FM Kalibo kasunod ng ginawa nilang security and law enforcement drill sa municipal building.
Sa sinagawang simulation exercises kahapon, ipinakita ng mga kapulisan at iba pang ahensiya ng gobyerno ang pagresponde matapos ang kunwaring pagsabog at hostage taking.
Ayon kay Ruiz, bahagi ito ng kahandaan ng Kalibo PNP sa gitna ng mga pag-atake ng mga rebelde at mga terorista sa ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Marawi City.
Nanawagan naman ang deputy chief sa taumbayan na makipagtulunga sa mga awtoridad lalu na kapag may mga mamataang mga kahina-hinalang tao o bagay sa kanilang lugar.
Nagbabala rin siya sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon lalu na social media na nagdudulot anya ng takot sa taumbayan.
BOMB JOKE, ISANG SERYOSONG BAGAY AYON SA PNP
Ito ay kasunod ng insidente sa Kalibo International Airport nitong Miyerkules nang Italian National ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagbibiro na may bomba ang kanyang bag.
Ayon kay PSSupt. Lope Manlapaz, provincial director ng Aklan Police Provincial Office, striktong ipapatupad ng mga kapulisan ang “bomb joke law” para sa kapakanan ng taumbayan.
Kaugnay rito, hinikayat ni Manlapaz ang lahat na iwasan ang ganitong uri ng biro dahil ipinagbabawal ito ng batas.
Humingi naman ng suporta ang opisyal sa publiko na ireport agad sa mga kapulisan ang mga napabayaang bag para sa checking at verification.
Nanawagan rin siya sa publiko na huwag magpakalat ng mga mensahe na may banta sa probinsiya sa halip ay ireport sa mga kapulisan para maimbestigahan.
Pinaigting naman ng mga kapulisan ang pagbabantay sa mga matataong lugar at pagsasagawa ng checkpoint sa tri-border area.
Thursday, June 22, 2017
DAHIL SA PHP600 NA UTANG, 30 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW
ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Kinilala ang suspek na si Klenton Dela Rosa, residente ng brgy. Caano, Kalibo.
Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, nagawa umano niyang magnakaw dahil sa utang niya sa isang lending company.
Duedate anya kinabukasan at wala rin anya siyang mahiraman; kaya nang matsambahan ay ninakawan niya ang kapitbahay.
Naaresto ang suspek sa kanilang bahay at narekober ang nakaw na pera na Php1,600 at gintong pulseras na nagkakahalaga ng Php10,000.
Sa report ng Kalibo police station, pwersahang sinira ng suspek padlock ng back door ng pinasok na bahay gamit ang martilyo.
Ayon sa biktimang si Nila Dapitillo, 57, umalis umano siya ng bahay para maghatid lamang ng bata sa eskwelahan.
Desidido naman ang biktima na magsampa ng kaso laban sa kapitbahay.
Nakapiit na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo PNP station ang nasabing lalaki.
ITALIAN NATIONAL ARESTADO MATAPOS MAG-BOMB JOKE SA KALIBO INTERNATIONAL AIRPORT
Inaresto ng mga kapulisan ang isang 40-anyos na Italian National sa Kalibo Internatioal Airport makaraang magbiro umano na may dala siyang bomba sa kanyang bag.
Sa report ng aviation police, nagkaroon umano ng diskusyon ang suspek na si Christiano de Angelis sa mga staff ng isang airline company sa loob ng airport.
Hinanapana umano ang turista ng kanyang medical certificate patugong South Korea bagay na kinainis niya.
Nagbiro umano ito na may dalang bomba nang usisain ng airline staff ang kanyang bagahe.
Ang biro tungkol sa bomba ay ipinagbabawal sa bansa alinsunod sa Presidential Decree (P.D.) No. 1727, o Anti-Bomb Joke Law.
Nakasaad sa batas na ito ang pagbabawal sa malisyusong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba, pampasabog, at iba pang katulad ng mga ito.
Nakakulong na ngayon ang nasabing lalaki at nahaharap sa kaukulang kaso.
WESTERN VISAYAS, ‘MAUTE FREE REGION’ AYON SA PNP
Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nanawagan ang Police Regional Office 6 sa taumbayan na
itigil ang pag-post at pagbabahagi ng mga maling impormasyon sa social media.
Paliwanag ng PRO6, ang mga maling imprmasyon ay nagdudulot ng
panic. Binigyang diin naman ng pulisya na ‘Maute free region’ parin ang Western
Visayas.
Kontralado parin umano ang peace and order at seguridad sa rehiyon
sa kabila ng kaguluhang dulot ng mga terorista at mga rebeldeng grupo sa
lungsod ng Marawi.
Sinabi ng PRO6, nakatalaga na sa buong rehiyon ang
pinagsamang pwersa ng mga kapulisan at Armed Forces of the Philippines.
Pinasiguro pa ng mga awtoridad na pinaigting na nila ang
police visibility sa mga mall, simbahan, paaralan at iba pang matataong lugar
para magbantay laban sa mga masasamang elemento.
Patuloy rin anya silang nakikipag-ugnayan sa mga private
security agency at iba pang ahensiya ng gobeyerno.
Iniutos narin sa mga unit commander na makipagtulungan sa
mga Muslim community at para sa pagkilala sa mga bakwit mula sa Marawi o sa
Mindanao.
Sa kabila nito, nanawagan ang mga kapulisan sa taumbayan na
manatiling mapagmatyag at agad ireport ang mga kahina-hinalang tao sa kanilang
lugar.
Wednesday, June 21, 2017
DALAWANG LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW NG MANOK
Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na operasyon ng mga kapulisan sa bisa ng warrant of arrest sa kasong pagnanakaw.
Kinilala ang mga akusado na sina Ryan James Salvan, 22-anyos, residente ng brgy. Laguinbanwa East, Numancia at Arlon Salem Pagcawilan, 41, residente ng brgy. Mabilo, Kalibo.
Ang warrant of arrest ng dalawa ay inilabas at nilagdaan ni presiding judge Lolie Ureta-Villaruel ng Banga 2nd Municipal Trial Court nitong Hunyo 8 at may piyansang tig-Php6,000.
Naaresto ng mga kapulisan si Salvan sa brgy. Badio, Numancia samantalang naaresto naman ang kasama niyang si Pagcawilan sa kanilang residensya sa brgy. Mabilo, Kalibo.
Nabatid na ang dalawa ay tinuturong mga suspek sa pagnanakaw ng manok sa bayan ng Banga.
Pansamantalang nakakulong ang dalawa sa Kalibo at Numancia municipal police station at nakatakdang iharap sa kaukulang korte.
LALAKI NA PAGOD RAW ANG PRIBADONG PARTI NG KATAWAN, NAMBASTOS NG BABAE
Binastos ng 'di pa nakikilalang suspek ang isang 21-anyos na babae sa Kalibo, Aklan, alas-11:00 ngayong umaga.
Sa salaysay ng babae sa Kalibo PNP station, bigla lang tumabi at umupo sa gilid ng opisina ang lalaki at nagwika sa kanya "Mapungko anay ako dikara nagaoy abi ang b**o uwa gid abi it hakita kabii" ( Makiupo muna ako ha, pagod kasi ang kwan ko, walang nakita kagabi).
Agad nagsumbong ang babae sa mga kasamahan nito kaya agad nakahingi ng police assistance ang mga ito.
Rumesponde naman agad ang Pulisya pero hindi na naabutan sa lugar ang suspek.
COLD STORAGE FACILITY ITATAYO SA AKLAN PARA GAWING ‘EXPORT PROVINCE’
Itatayo sa probinsiya ng Aklan ag isang cold storage facility na magsisilbing refrigerator para sa mga iluluwas na mga produkto sa labas ng bansa.
Ayon kay Allan Angelo Quimpo, chairman ng Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA), ang pagkakaroon ng cold storage facility ay daan sa Aklan para maging ‘export province.’
Bukas anya ang pasilidad na ito sa lahat na gustong mag-refrigerate ng kanilang iluluwas na produkto kabilang na ang mga isda at mga prutas.
Ayon pa kay Quimpo, ang storage facility ay libreng ipinagkaloob ng Noryanjin Fisheries Market Cooperative sa Korea na siya ring direktang merkado ng mga iniluluwas na produkto.
Ang cold storage facility na itatayo sa Bakhawan Eco-Park sa brgy. New Buswang ay mayroon ding blast freezer para mapanatiling sariwa ang mga produktong iluluwas sa ibang bansa.
Pangangasiwaan ng KASAMA, isang non-government organization, ang nasabing pasilidad sa tulong ng pamahalaang lokal ng Aklan at Korea International Cooperation Agency.
Tuesday, June 20, 2017
MAKASAYSAYAN MEDIA FORUM SA AKLAN PLANTSADO NA; MGA BIGATING BISITA KUMPIRMADONG DARATING
Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Plantsado na ang tinaguriang makasaysayang media forum sa probinsiya ng Aklan na binuo ng Aklan Press Club kasabay ng pagdiriwang ng pista ng San Juan.
Ang media forum na ipinangalan sa yumanong dating congressman ng Aklan na si Atty. Allen S. Quimpo ay dadaluhan ng mga kilalang personalidad na bihasa sa pagtalakay ng mga napapanahong isyu.
Ayon kay Odon Bandiola, presidente ng nabanggit na organisasyon, kabilang sa magiging tagapagsalita si chief legal counsel Salvador Panelo na tatalakay sa isyu ng martial law.
Dadalo rin umano bilang tagapagsalita si Department of Interior and Local Government undersecretary John Castriciones na tatalakay naman sa isyu ng federalism at anti-illegal drug’s campaign.
Tatalakayin naman ni Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III ang usapin sa Dutertenomics.
Ang libreng forum na gaganapin sa Aklan training ceter ay dadaluhan ng mga local at national media, mga estudyante at guro, mga opisyal ng pamahalaan at iba pang sector.
MGA NAHULING LUMABAG SA ECOLOGICAL SOLID WASTE MANAGEMENT CODE NG KALIBO UMABOT NA SA 440
Umabot na sa 440 ang bilang ng mga nahuling lumalabag sa batas sa ecological solid waste management code ng Kalibo mula Enero hanggang Mayo nitong taon.
Kabilang sa ipinagbabawal sa municipal ordinance no. 2004-009, ipinagbabawal ang dirty frontage; pagkakalat; pag-ihi o pagdumi sa mga pampublikong lugar; at pagsisiga.
Base sa report, pinakamarami sa mga nahuli ang pagkakalat ng basura na may 233 bilang.
Pinagmumulta rin ng ang mga walang basurahan at hindi nagse-segragate ng basura.
Nanawagan naman ang municipal solid waste management office sa taumbayan na gawing pataba ang mga dayami sa halip na sigaan.
Ipinagbabawal sa nasabing ordinansa ang pagsiga o open burning dahil na rin sa polusyong dulot nito sa paligid at maging sa kalusugan.
AKLAN PNP LALU PANG PINAIGTING ANG PWERSA LABAN SA MGA ARMADONG GRUPO
Ang paghihigpit sa seguridad ay kasunod ng patuloy na bakbakan sa Marawi City at pagsalakay ng mga armadong grupo sa isang police station sa Iloilo nitong Linggo.
Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay PSSupt. Lope Manlapaz, direktor ng Aklan Police Provincial Office, patuloy ang ginagawa nilang checkpoint sa mga boundary ng lalawigan.
Binabantayan anya ng mga kapulisan ang mga kahinahinalang mga tao na papasok sa lalawigan lalu na sa isla ng Boracay. Nabatid na nagdagdag narin ng pwersa ng mga kapulisan sa naturang isla.
Nakaalerto rin anya ang kanilang pwersa sa Kalibo International Airport katuwang ang Philippine Army, PNP AVSEGROUP.
Sa kabilang banda, patuloy rin ang monitoring ng Maritime Police at Philippine Coastguard sa mga baybaying sakop ng probinsiya.
Humingi naman ng kooperasyon si Manlapaz sa taumbayan na agad na magreport sa mga kapulisan kapag may mga mamataang kahinahinalaang tao o bagay sa kani-kanilang lugar.
5 YEARS OLD NA BABAE NABUNDOL NG TRICYCLE SA MALAY, PATAY
ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Patay ang isang 5-anyos na batang babae makaraang mabundol ng tricycle sa brgy. Balusbos, Malay.
Kinilala ang biktima na si Daniela Kate Tad-y, residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa report ng Malay PNP, kinilala ang driver na si Rodelio Galay, 45 anyos, residente ng Poblacion, Malay.
Kuwento ng driver, nakasalubong nya ang isang sasakyan nang biglang tumawid ang bata mula sa kaliwang bahagi ng kalsada.
Isinugod pa sa Motag hospital ang bata pero dineklara ring dead on arrival ng attending physician.
Sumuko naman ang driver sa mga kapulisan at nakakulong na ngayon sa Malay municipal police station.
Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homecide ang driver.
TRICYCLE DRIVER NATAGPUANG NAKABITAY SA SAGINGAN SA BRGY. TINIGAW, KALIBO
ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo
Patay na nang matagpuan ang isang lalaki na nakabitay sa puno ng kawati sa sagingan sa brgy. Tinigaw, Kalibo.
Kinilala ang biktima sa pangalang Leandro Villanueva alyas “Oto” at “Poto”, isang tricycle driver at residente ng brgy. Estancia, Kalibo.
Una rito, dakong alas-6:00 ng gabi, isang concern citizen ang dumulog kay Tinigaw punong barangay Rolando “Toto” Reyes na may natagpuang nakabigting lalaki sa sagingan sa Purok 2.
Agad namang humingi ng tulong ang kapitan sa Kalibo police station para magsagawa ng imbestigasyon sa lugar.
Ayon kay PCInsp. Ulysses Ortiz ng SOCO-Aklan, narekober sa bulsa ng biktima ang kanyang cellphone, pera, at susi ng motorsiklo at wala anyang palatandaan na nikawan ito.
Ayon sa mga residente, nakita pa umano nila ang biktima dakong alas-8:00 ng umaga nang iparada niya ang kanyang pampasaherong tricycle, mahigit 500 metro ang layo sa lugar kung saan ito nakitang nakabigti.
Ayon naman sa pamilya, wala silang nakikitang malalim na dahilan para magpakamatay ang biktima.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing kaso.
Monday, June 19, 2017
LALAKI ARESTADO MATAPOS BARILIN ANG KAAWAY SA TIGAYON, KALIBO
ulat ni Achie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo
Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos barilin ang nakaalitan sa brgy. Tigayon, Kalibo.
Kinilala ang suspek sa pangalang Gary Isberto, residente rin ng nabanggit na lugar.
Ang biktimang si John Lester Baldisimo, 28 anyos, residente rin ng kaparehong barangay, ay nagtamo ng tama ng pagbaril sa paa at sa dibdib.
Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa tungkol sa mabahong pwesto ng biktima sa talipapa. Nagalit ang biktima hanggang sa nasipa at nasuntok nito ang suspek.
Sa galit ng suspek ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima.
Patuloy pang nakaconfine sa opsital ang biktima samantalang ikinulong naman sa Kalibo Municipal PNP Station ang suspek para sampahan ng kaukulang kaso.
MAASIN POLICE STATION PINASOK NG MGA REBELDENG GRUPO; MGA ARMAS AT PATROL CAR TINANGAY
ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Niraid ng nasa 50 pinaniniwalaang miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang Maasin Police Station sa Ilolio dakong alas-10:45 ng umga kanina.
Sapilitang nakuha ng grupo ang walong M16 armalite rifle, apat na glock 9mm, limang handheld radio, isang base radio, Php25,000 na pera, dalawang laptop, mga alahas at isang hilux patrol car na pawang pagmamay-ari ng pamahalan.
Matapos ang insidente ay tumakas ang grupo sakay ng dump truck o canter at ang ninakaw na patrol car patungong mabundok na bahagi ng Alimodian, Iloilo.
Ayon sa report ng Regional Police Office (PRO) 6, wala namang naiulat na nasugatan sa tropa ng Maasin municipal police station.
Kinondena naman ng PRO6 ang nasabing insidente na nagdulot ng takot sa mga mamamayan rito.
Iniutos na ng regional director ng pulisya sa Iloilo provincial police office ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga naturang myembro ng CPP/NPA.
Kinondena rin ng alkalde ang nangyari, mga faith base organization at ng taumbayan sa pagsira sa kanilang mapayapang pamumuhay.
Nagpapatuloy pa ang imbestigaston hinggil sa nasabing insidente.
MGA BOAT RACER SASABAK SA 'BAKBAKAN SA BUGSAYAN' SA MABILO, KALIBO
Magpapasiklaban sa husay at bilis sa pagsagwan ang mga lalahok sa boat race competition sa Kalibo sa nalalapit na pista ng San Juan.
Ang atraksiyong ito na inorganisa ng Energy FM Kalibo ay tinaguriang “Bakbakan sa Bugsayan” , ngayon sa ikatlong taon na, bilang pagpupugay kay San Juan Bautista.
Naniniwala ang organizer ng event na sa pamamagitan nito ay mapapahalagahan ang kulturang Aklanon sa “bugsayan” o pagsagwan ng bangka.
Maliban sa boat race bilang main event, magpapasiklaban rin ang mga rapper sa event na ito na gaganapin kapwa sa Mabilo beach, Kalibo.
Mag-eenjoy rin ang mga dadalo sa iba pang palaro na inihanda ng Energy FM kagaya ng palosibo, milk drinking contest, pabilisan sa pag-inom ng beer at iba pa.
Ang aktibidad na ito ay bahagi rin ng ika-pitong taong anibersaryo ng Energy FM Kalibo na patuloy na namamayagpag sa paglilingkod sa taumbayan.
SEN. VILLAR BIBISITA SA AKLAN SA INAGURASYON NG LEGISLATIVE BLG
ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Bibisita si senador Cynthia Villar sa Aklan sa inagurasyon ng state-of-the-art two-storey building ng Sangguniang Panlalawigan.
Si Villar ang panauhing pandangal at tagapagsalita sa inagurasyon na gaganapin sa Hulyo 27.
Kasabay ng pagbubukas nito ang state of the province address ng gobernador sa ika-47th regular session ng Sanggunian.
Bahagi ng bagong gusali ang session hall na may 120 setting capacity, holding rooms para sa mga bisita, expandable meeting rooms.
Mayroon din itong administrative at legislative offices, tanggapan ng SP secretary at employees' pantry.
Sa second floor ay ang opisina ng bise gobernador, myembro ng Sanggunian, library at archives.
Umaasa si bise gobernador Reynaldo Quimpo na lalu pa nilang mapapabuti ang kanilang trabaho sa pagbubukas ng nasabing gusali.