Saturday, May 20, 2017

SOGUILON BABANDERA SA AKLAN SWIM MEET

Ibabandera ni Kyla Soguilon ang kampanya ng Aklan swimming team sa paglarga ngayon ng  115th PSL National Series-2nd Gov. Miraflores Swim Cup sa Makato Sports Complex sa Kalibo, Aklan.

Inaasahang dodomina­hin ng 12-anyos na si So­guilon, humahakot ng  gin­tong me­dalya sa mga international competitions sa Japan, South Africa, United Arab Emirates, Singapore, Thailand at Hong Kong ang kanyang mga kalaban.

Nasungkit din ni So-guilon ang dalawang sunod na Palarong Pambansa Most Outstanding Swimmer award noong 2016 sa Bicol at 2017 sa Antique. Hinirang din si Soguilon na PSL Female Swimmer of the Year nong 2013, 2014 at 2015.

Sasabak din sa torneo ang pambato ng Bicol, Cavite, Laguna, Iloilo, Pampanga, Isabela, Pasay, ParaƱaque, Navotas, Bulacan, Baguio City, Quezon City, Davao, Capiz, Ormoc, Manila, Bacolod at Cebu City. (philstar.com)

ATI LEADER SA AKLAN, PINABULAANANG SANGKOT SILA SA BAGONG KASO NG BUDOL-BUDOL SA PROBINSYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinabulaanan ng leader ng mga Ati na may kinalaman ang ang Ati Community sa nangyaring insidente ng budol-budol kagabi sa Bulwang, Numancia.

Una nang naireport na isang negosyante ang natangayan ng Php90 libong pera at mga alahas ng mga dalawang babaeng Ati na umano'y manggagamot.

Ayon kay Roseta Pizaro, lider ng Ati community sa brgy. Bulwang, pinatawag niya ang lahat ng mga ati sa lugar at ipinakita sa biktima pero wala umano sa mga ito ang mga suspek.

Naniniwala si Pizaro na hindi taga-Aklan ang mga nasabing suspek.

Pinabulaanan rin niya na nagsasagawa sila ng 'botbot' o panggagamot.

Nanawagan siya na huwag silang idamay sa nangyari. Nababahala sila na maapektuhan maging ang kanilang negosyo na pagtitinda ng mga herbal, at iba pa.

Pinasiguro naman niyang makikipagtulungan sila sa mga awtoridad sa posibleng pagkahuli sa mga suspek.

Samantala, nanawagan naman ang Numancia municipal police station sa taumbayan na ireport agad ang anumang impormasyon kaugnay sa mga suspek.

Naniniwala si PO2 Felizardo Navarra Jr, imbestigador, na nagamit ng sindikatong grupo ang mga nasabing ati.

Matatandaan na noong mga nakalipas na buwan, isang negosyante sa Kalibo Public Market ang nabudolbudol ng mga Ati sa pamamagitan ng parehong modus.

Nakikipagtulungan na rin ang imbestigador sa iba pang PNP station sa Aklan at maging sa mga karatig probinsiya para makilala at madakip ang mga suspek.

MOTOR BUMANGGA SA TRICYCLE SA LIBAS, BANGA, 2 SUGATAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dalawa ang sugatan nang bumangga ang isang motorsiklo sa isang tricycle sa brgy. Libas, Banga kaninang umaga.

Base sa report ng Banga municipal police station, kinilala ang mga biktima na sina Teodoro Remecio, 45 anyos at Jackilyn Oquendo, 48 pawang mga resident eng brgy. Caiyang, Batan.

Binabaybay umano ng mga biktima ang kahabaan ng national highway mula sa Balete patungong Banga nang pagdating sa pinangyarihan ng aksidente ay biglang nag-u-turn ang isang tricycle.

Galing ang tricycle sa brgy. Poblacion, Banga na menamaneho ni Darius Pescador ng brgy. Libas nang bigla itong lumiko dahilan na nabangga ito ng motorsiklo sakay ang mga nasabing biktima.

Nagtamo ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan ang dalawa matapos matumba sa konkretong kalsada at agad na naisugod sa isang pribadong ospital sa Kalibo para sa kaukulang paggamot.

Samantala, pansamantalang nasa-kustodiya ngayon ng Banga PNP station ang driver ng tricycle at ang parehong sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

NEGOSYANTE NABUDOL-BUDOL NG MGA MANGGAGAMOT NA ATI; 90K, MGA ALAHAS, NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nabudol-budol ang isang 43 anyos na negosyante at ang kanyang asawa ng mga ating manggagamot tangay ang Php90 libo at mga alahas.

Ayon sa biktima na tumanggi nang mapangalanan, nagpahealing o 'nagpabotbot' umano siya at ang kanyang asawa sa mga nasabing ati.

Una rito dumating umanong dalawang ati sa kanilang bahay at nag-alok ng healing at nagbayad ng Php1,700. Sinabi rin ng mga ati na may duwende ang kanilang bahay at nagkasundong babalik sila ng Byernes.

Bumalik umano ang mga ati gabi ng nasabing araw para i-healing ang mag-asawa sa pamamagitan ng dasal. Liban rito humingi rin umano ng Php90 libo ang dalawang ati, pitong mga alahas, 7 prutas, at pitong kandila saka ito nilagay sa t-shirt at tinahi.

Matapos ay pinatay umano nila ang ilaw at gumamit lamang ng kandila. Nagsimula narin ang dalawa sa panggagamot at pinagulong umano ang nasabing tshirt sa kanilang mga katawan.

Matapos ang kalahating oras na itinali ang nasabing tshirt sa katawan lalaki, ay umalis ang mga ito.

Nang tignan ang nasabing tshirt, laking gulat nito na ang laman ay mga pira-pirasong papel na lang ang laman nito.

Ang mga nasabing babae ay nagkakaedad 35 umano at ang isa ay buntis.

Nabatid rin kay PO2 Felizardo Navarra Jr. ng Numancia police station, may mga ganitong kaso narin na kinakasangkutan ng mga ati sa mga bayan ng Pandan at Culasi, Antique.

In limbestigahan na ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

4 PATAY SA DRUG OPERATION NG MGA KAPULISAN SA WESTERN VISAYAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Apat na ang naitalang napatay sa pinaigting na operasyon ng mga kapulisan sa project double barrel reloaded sa Western Visayas.

Ayon sa report ng Regional Police Office (PRO) 6, mula Marso 1 hanggang Mayo 19, dalawa ang napatay sa Antique at dalawa rin ang sa Iloilo.

Sa kabila nito, ipinagmalaki naman ng ng PRO6 ang mga ginawang oplan tokhang o pagbisita sa mga drug surrenderer.

Sa nabanggit na peryod, kabuuang 7, 975 na ang kanilang nabisitang sangkot sa droga. Pinakamalaking bilang nito ang sa Iloilo na umabot na ng mahigit tatlong libo (3,014). Sinundan ng Capiz (2,358), Iloilo city (1,765), Aklan (689) at Guimaras (80). Pinakamababa ang Antique na mayroon lamang 69.

Nakapagtala narin sila ng 210 mga naaresto kung saan 11 rito ang tinuturing na high value target.

Pinakamaraming naaresto sa Iloilo city na may 86 at sa probinsiya ng Iloilo na may 64. Ang Aklan naman ay may 19 naaresto, at Antique na may 15. Wala namang naitalang arestado sa Guimaras.

Sa lahat ng mga municipal police station na sakop ng PRO 6, 56 rito ang walang drug accomplishment. 15 municipalities sa Iloilo, at tig-14 naman sa mga lalawigan ng Aklan at Capiz. Ang Antique ay may walong kabayanan na walang drug accomplishment at Guimaras na may lima.

CIMATU, PAGTUTUUNAN NG PANSIN ANG PROBLEMA SA BORACAY

Pagtutuunan ng pansin ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga problema sa mga tourist area tulad ng Boracay.

Ayon kay Cimatu, sisiguruhin niya ang pagkakaroon ng malinis na tubig at maayos na solid waste management.

Ang naturang isla ay kilala sa pagkakaroon ng pinong buhangin at isa sa pinakadinarayong tourist spot sa bansa.

Ayon pa kay Cimatu, kailangang ipatupad ang mga batas sa mga tourist destinations.

Noong nakaraan taon, umabot sa 1.73 milyong mga turista ang naitalang dumayo sa Boracay.

Aniya nagbigay na siya ng direktiba sa mga opisyal ng DENR sa Western Visayas na bigyan ng weekly report sa kalidad ng tubig sa isla.

Tutulong din ang ahensya sa local government sa problema kaugnay ng solid waste management sa munisipalidad ng Malay sa probinsiya ng Aklan na siyang nakakasakop sa isla ng Boracay. (radyo.inquirer.net)

Wednesday, May 17, 2017

LGU KALIBO, LALAHOK SA PHILIPPINE TRAVEL MART


Nakatakdang lumahok ang lokal na pamahalaan ng Kalibo sa Philippine Travel Mart upang makahikayat ng mas marami pang mga turista sa kinikilalang ‘Ati-atihan town’.

Ayon kay konsehal Phillip Kimpo, chairman ng committee tourism, napansin niya na ang Kalibo ay hindi nakakasama sa Philippine Travel Mart sa mga nakalipas na taon.

Ngayong taon, ang Philippine Travel Mart ay gagawin sa Setyembre 1-3 sa SMX Trade Center sa Maynila. Tinuturing ito sa isa sa pinakamalaking travel roadshow sa bansa.

Bagaman magastos, naniniwala si Kimpo na malaki naman ang posibleng ibalik nito sa Kalibo sa bilang ng mga turista at sa pagpasok ng mga imbestor.

Para mapagaan ang gastusin, ang lokal na pamahalaan ay nagpaplanong makipagtulungan sa mga small at medium entrepreneurs para mai-advertise rin ang kanilang produkto sa booth na uupahan ng LGU Kalibo.

Nabatid na ang mga bayan ng Ibajay, Malay at Boracay kabilang na ang pamahalaang lokal ng Aklan ay sumasama na sa travel mart sa mga nakalipas na taon. (PNA)

DTI-AKLAN MAGSASAGAWA NG ‘BALIK-ESKWELA DISKWENTO SALE’

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling magsasagawa ng “Balik-Eskwela Diskwento Sale” ang Department of Trade and Industry (DTI) – Aklan ngayong buwan ng Mayo.

Sa Mayo 23, ang DTI-Aklan ay magsasagawa ng nasabing proyekto sa covered court ng Poblacion, Altavas; sa Mayo 25 sa covered court ng Poblacion, Nabas; sa Mayo 26 naman ay sa Tangalan public market.

Ayon sa DTI-Aklan, layunin ng proyektong ito ang mabigyan ng agaran at abot-kayang halaga ang mga estudyante at mga magulang sa mga school supplies at iba pang kagamitan sa paaralan.

Maliban sa mga gamit at pangangailangan sa eskwela, makakabili at makakapili rin ang taumbayan ng  mga pangunahing bilihin sa presyong may deskwento.

Nabatid na 21 distributor at retailer ang inimbitahan ng DTI para sa nasabing caravan na magbibigay ng nasa limang hanggang sampung porsyento deskwento sa presyo ng mga bilihin.

Ang klase ay magbubukas sa mga pampublikong eskwelahan sa Hunyo 5.

FRONTLINE SERVICES SA MGA OSPITAL NAIS IPABUSISI NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nais ipabusisi ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang frontline services at process flow of procedure sa mga ospital na pagmamay-ari ng pamahalaang lokal ng Aklan.

Maliban rito, nakasaad rin sa parehong resolusyon na inihain nina SP member Nelson Santamaria, Lilian Tirol at Jay Tejada, na kasama rito ang iba pang tanggapan ng gobyerno lokal.

Ayon sa mga lokal na mambabatas, ito ay para sa updating purposes. Nais rin nilang siguraduhing ipinapatupad ang citizen’s charter ng Civil Service Commission sa lahat ng tanggapan  ng gobyerno.

Layunin ng citizen’s charter ang mabawasan ang mga transaction time at mga requirement sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ang resolusyong ito ay inihain kasunod ng isyu sa isang magpapatuling foreigner na pinagpasa-pasahan umano sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital bagay na pinabulaan naman ng pamunuan ng ospital.

Nanawagan ang mga miyembro ng Sanggunian na maging competent ang mga frontline personnel ng hospital na agad na makakatugon sa mga katangungan at pangangailangan ng mga kliyente o pasyente.

PANUKALANG BATAS SA ROAD SAFETY, LUSOT NA SA IKA-2 PAGBASA NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Lusot na sa ikalawang pagbasa ng 38th Sangguniang Panlalawigan ang panukalang batas na nagtatakda road safety sa mga kalsadahin sa probinsiya.

Una nang sinabi ng may-akda na si SP member Jay Tejada, ang pagbuo ng nasabing batas ay dahil narin sa sunud-sunod na mga kaso ng aksidente sa kalsadahin sa Aklan.

Una nang sumailalim sa pagdinig ang nasabing panukala na dinaluhan ng iba-ibang sektor ng gobyerno at mga opisyal ng iba-ibang munisipalidad at iba pang mga grupo.

Kabilang sa ipinagbabawal sa panukalang ito ang pagmamaneho ng lasing, pagbibilad ng palay at iba pang bagay at paglalagay ng mga buhangin o graba sa kalsada, at pagparke sa national at provincial road.

Itatakda rin ang paglalagay ng “30 kph zone”, paglalaan ng school crossing patrol, pedestrian crossing lanes at PUV stops.

12 ANYOS NA BABAE NABUNDOL NG BUS SA BAYAN NG NABAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nabundol ng rumaragasang bus ang isang 12 anyos na babae sa national highway sa brgy. Rizal, Nabas.

Kinilala ang nasabing biktima na si Nadine Colindon, residente  rin ng nasabing lugar.

Ayon sa report ng Nabas municipal police station, tumawid umano ng kalsada ang biktima kasama ang pinsan matapos makalagpas ang isang bus nang hindi namalayan na may kasunod pa pala itong isa ring bus.

Agad na nakaiwas ang kanyang pinsan pero dahil sa gulat ay hindi na nakaalis sa gitna ng kalsada ang biktima at nabundol ito ng sasakyan.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang dalaga at nabatid na dinala na ito sa isang prominenteng ospital sa Iloilo para sa intensibong paggamot.

Sumuko naman sa kapulisan ang lalaki at ikinulong sa Nabas municipal police station at posibleng maharap sa kaukulang kaso.

AMERICAN NATIONAL NATAGPUANG PATAY SA BAYAN NG NABAS

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang American national ang natagpuang patay sa inuupahan niyang bahay sa brgy. Toledo, Nabas.

Kinilala ng pulisya ang nasabing foreigner na si Craig Everett Lund, 66 anyos, ng California, USA base sa pasaporteng natagpuan sa lugar.

Personal na nagtungo sa tanggapan ng Nabas municipal police station si Mitchell Dela Cruz upang humingi ng tulong sa mga awtoridad hinggil sa natagpuang patay.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives hindi nakitaan ng foul play ang matanda.



PASWELDONG PHP70K NATANGAY MULA SA BRGY. TREASURER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang barangay treasurer ang nabiktima umano ng pickpocketing habang nasa loob ng isang establisyemto komersyal.

Nakuha sa biktimang si Helen Pelaez, 56 anyos ng brgy. Tagbaya, Ibajay ang umano’y nasa Php70 libo na pasweldo sana sa kanilang barangay council.

Salaysay ng biktima sa Kalibo police station, nasa loob umano siya ng isang supermarket sa Dr. Gonzales st., Kalibo nang mapag-alaman niyang nawawala na ang kanyang wallet na nakalagay sa kanyang shoulder bag.

Laman ng nasabing wallet ang naturang halaga ng pera at naniniwala siyang natangay ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

274 KILO NG MGA BASURA, NAKOLEKTA SA ILALIM NG DAGAT SA BORACAY

Kabuuang 274 kilo ng mga basura ang nakolekta ng mahigit 100 volunteers sa ginawang undetwater clean-up sa isla ng Boracay.

Ang aktibidad ay bahagi ng coral preservation program ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) at Business Administration of Scuba Shops (BBASS), Philippine Mermaid Academy at ng pamahalaang lokal ng Malay.

Ang iba pang mga organisasyon kabilang na ang mga estudyante, mga pulis, at mga mamamayan sa nasabing beach clean-up.

Sa isang oras na paglilinis narekober ang 274 kilo ng mga basura na may mga plastik, mga upos ng sigarilyo, at mga piraso ng mga kawayan.

Bahagi ng paglilinis ang pag-aalis ng mga sheels sa coral dome na tumitigil sa paglago ng mga korales dito.

Umaasa ang Philipine Mermaid Swimming Academy ang aktibidad ay magsilbi sanang panggising sa lahat.
Nanawagan rin sila sa mga turista at taumbayan na proteksyunan at pangalagaan ang mga corals dito.

PANUNOG SA MGA HEAVY EQUIPMENT SA BANGA, DININIG SA SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sumailalim na sa pagdinig sa Sangguniang Panlalawigan ang kaso ng panunog ng dalawang heavy equipment sa brgy. Daguitan, Banga kamakailan.

Ayon kay committee chair on peace and order Nemesio Neron, sa ngayon ay nasa proseso parin ng imbestigasyon ang mga awtoridad.

Kabilang sa mga inimbetahan sa eklusibong pagdinig ang hepe ng Banga municipal police station, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at opisyal ng munisipyo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Neron, base sa kanyang assessment, apat paring anggulo ang tinitingnan niya sa nasabing insidente.

Nangunguna sa mga ito ang posibilidad na ito ay kagagawan ng mga makakaliwang grupo. Tinitingnan rin kung may kinalaman ba ang mga karibal ng kampanya dito, mga naapakang stakeholders, at mga may-ari ng lupa.

Ang pison at ang grader ay ang pagmamay-ari ng BSP Inc. na kinontrata ng gobyerno upang ikonkreto ang Banga-Libacao road.

Iniimbestigahan rin ng Philippine Army ang pag-amin ng nagpakilalang Waling-waling Group of Command na sila ang responsable sa nasabing panunog.

Nakatakda namang maghain ng resolusyon si Neron upang hilingin sa mga army na paigtingin ang proteksyon sa mga mamamayan sa Aklan.

BABAE NAGTANGKANG TUMALON SA 2-STOREY BUILDING SA BRGY. CATICLAN, MALAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naalarma ang mga tao sa brgy. Caticlan, Malay dakong alas-8:00 ng gabi nang may isang babae sa taas ng bubungan ng 2-storey building na nagtatangkang tumalon.

Sa report ng Malay police station, nakatanggap umano sila ng tawag na may babaeng nagtatangkang tumalon sa  nasabing lugar.

Naabutan pa nila ang babae sa rooftop na umiiyak, kinakausap ang sarili at gustong tumalon.

Ikinagulat rin ng mga kaibigan niyang ati ang ginawa ng nasabing babae. Sa mga nakalipas na araw ay wala naman silang nakitang pinoproblema ang nasabing babae.

Matapos ang mahigit isang oras na negosasyon ay nadakip rin mga awtoridad ang babae at dinala sa tanggapan ng social welfare and development para isailalim sa counseling.

Nabatid na ang babae ay tubong Guimbal, Iloilo, at kasalukuyang nanunuluyan sa isang boardinghouse sa nabanggit na lugar.

Tuesday, May 16, 2017

MGA ATLETANG AKLANON NABIGYAN NG MAHIGIT PHP500K MULA SA LGU AKLAN

Aklan Province FB
Nabigyan ng kabuuang Php565 libo insentibo ang mga manlalarong Aklanon na nagkamit ng medalya sa katatapos lang na Palarong Pambansa.

Ito ang sinabi ni Sangguniang Panlalawigan member Soviet Rusia Dela Cruz sa ginawang pagpaparangal sa 24 mga atleta sa kapitolyo ngayong umaga.

Ang mga pinarangalan ay sina: Kyla Soguilon, Michael Gabriel Lozada, Sheila Talja, Jil Iron Tabuena, Aaron Vincent Merin, Jemuel Booh De Leon, Christian Paul Tiongson, Angie Nicole Reyes, Jas
per Jay Lachica, Christian Jade Pablo, Aina Nicole Dela Cruz, Jea Angel Esquilito, Cherish Joy Reyes, Shanello Malolos, Arnel Tolentino, Athena Romylla Molo, Mary May Ruiz, Jerrylyn Laurente, Kyle Joshua De Pedro at Jan Patrick A. Sagang.

Apat pang atletang lumahok sa Paralympic division kabilang na sina Claire S. Calizo, Edwin Villanueva, Anna Mae Rico at Cristina I. Dela Cruz ay binigyan rin ng pagkilala.

Ang mga atletang Aklanon ay nag-ambag sa Western Visayas ng 16 na gintong medalya, siyam na silver at 15 bronze.

Maliban sa mga medalist, ang iba pang mga atleta ay binigyan rin ng komendasyon.

OPERASYON NG SMALL TOWN LOTTERY PINASUSUSPENDE NG SP-AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinapasuspende ng Sangguniang Panlalawigan ang operasyon ng small town lottery sa probinsiya dahil sa umano'y paglabag nito sa sariling 2016 implementing rules and regulations (IRR).

Ito ay kasunod ng pag-amin ni John Martin Alipao, financial management officer I ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Aklan branch.

Sinabi ni Alipao na hindi nila naipapatupad ang paggamit ng handheld terminal sa operasyon ng stl sa Aklan base sa umiiral na IRR.

Sinabi ni Alipao na noong Abril kumita ang stl operation ng mahigit Php7 milyon.

Pinagtataka ng Sanggunian kung lahat ba ng kinikita sa operasyon ay nairiremit ng tama sa PCSO; napakalayo kasi ang kinitang ito sa mahigit Php23 milyon na presumptive monthly retail receipt (PMRR) ng authorized agent corporation.

Sinabi ni Alipao na ang Yetbo gaming corporation ay may cashbond na katumbas ng kanilang PMRR. Dito anya kukunin ang kakulangan sa kinita ng nasabing gaming corporation.

Kaugnay rito nais ring siguraduhin ng Sanggunian na binabawasan nga ang kanilang cashbond.

Samantala, kung magpapatuloy na mababa ang kikitain ng korporasyon ay ipapasara nila ang operasyon nito.

Nabatid na sa buong lalawigan, ang lahat ng munisipalidad sa Aklan ay nag-ooperate ng stl maliban lamang sa Madalag.

Nagpasa naman ng resolusyon ang Sanggunian na humihiling na icomply agad ng PCSO ang umiiral na IRR.

AKLAN PNP NABABAHALA SA TUMATAAS NA KASO NG NAKAWAN SA BORACAY

Nababahala ngayon ang Aklan Police Provinciall Office (APPO) sa tumataas na bilang ng nakawan sa isla ng Boracay.

Ayon kay SPO1 Nida Gregas, APPO spokeperson, base sa kanilang data, ang Boracay ay nakapagtala na ng 311 kaso ng nakawan sa unang tatlong buwan nitong taon.

Pinasiguro naman niya na ang APPO ay magpapatuloy sa pagmonitor sa mga kaso ng nakawan sa quarter na ito.

Base sa rekord ng kapulisan, ang isla ay nakapagtala ng 251 kaso ng nakawan sa unang quarter ng taong 206; 188 sa ikalawang quarter; at 201 sa pangatlo at 247 sa huling quarter.

Paliwanag ni Gregas, nananatili ang nakawan sa Boracay dahil narin ang mga turistang biktima ay hindi na nagpupursiging magsampa ng kaso.

Nanawagan naman siya sa mga turista na maging mapagmatyag sa kanilang mga kagamitan lalu na kapag naliligo sa baybayin. (PNA)

45 ANYOS NA BIKTIMA BINARIL SA PYESTA SA BURUANGA; 3 SUSPEK KALABOSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang 45 anyos na lalaki matapos itong barilin sa kasagsagan ng piyesta sa brgy. Santander, Buruanga.

Kinilala ang biktima na si Ramil Dagohoy, residente ng nasabing lugar.

Samantalang ang mga suspek ay kinilala namang sina Roland Bangonan, 28 anyos ng Brgy El Progreso, Buruanga, Jovanie Prado, 45 ng brgy El Progreso, Buruanga, at Jestoni Ronquillo, 29, ng brgy Aquino, Ibajay, Aklan. 

Sa inisyal na report ng pulisya, nakatanggap sila ng report dakong alas-11 ng hating gabi na may nangyaring pamamaril sa nasabing lugar.

Binaril umano ng suspek na si Jestoni Ronquillo ang biktima at natamaan ito sa kanyang kanang hita.

Sa pagresponde ng mga kapulisan ay naaresto din ang mga suspek.

Narekober naman ang .45 calibre ng baril at nasa kostudiya na ng mga kapulisan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing insidente.