Saturday, December 24, 2016

MASAHISTA SA BORACAY, NATAGPUANG NAAAGNAS NA BANGKAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naaagnas na bangkay na ng matagpuan ang isang masahista sa Isla ng Boracay sa kanyang inuupuhang kuwarto.

Sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) dakong alas-9:30 ng gabi ng makatanggap sila ng impormasyon hinggil rito.

Sa salaysay ng unang nakakita at may-ari ng boardin
g house na si John Joseph, ipinagtaka niya ang mabahong amoy na nanggagaling sa isang kuwarto. Nang usisain ay nakita niya ang inuuod na na bangkay ng kanyang boarder.

Kinilala ng pulisya ang nasabing lalaki na si John Rammy Eugenio, 22 anyos, at residente ng Brgy. Duyong, Pandan, Antique.

Sa unang pag-usisa ng SOCO, inatake umano sa puso ang nasabing lalaki dahilang ng kanyang kamatayan. Pinaniniwalaan na nasa 3 o 4 na araw na ng bawian ng buhay ang masahista at nabatid na nag-iisa lang sa kuwarto.

MOTORSIKLO VS. MULTICAB, 3 MIYEMBRO NG PAMILYA SUGATAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sa provincial hospital na sasalubungin ng tatlong miyembro ng pamilya ang kanilang Pasko makaraang maaksidente sa sinasakyang motorsiklo kaninang hapon sa Brgy. Caiyang, Batan.

Ang mga biktima ay ang mag-asawang sina Lorielen, 37 anyos, at Ronie dela Cruz, 36, kasama ang kanilang 6 anyos na anak na babae.

Papauwi na ang pamilya sa kanilang bahay sa Brgy. Mabilo, New Washington galing sa Brgy. Fulgencio, Balete sakay ng motorsiklo na menamaneho ng padre de familia nang aksidente silang mabundol ng rumaragsa umanong multicab sa kurbadang bahagi ng kalsada.

Lumihis umano ng linya ang multicab na menamaneho ng hindi pa nakikilalang driver. Dahil rito tumilapon sa sementadong kalsada ang tatlo at lahat ay nabalian ng kaliwang paa at nagtamo ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Agad namang tumakas ang nasabing nakabangga. Confine naman sa ospital ang tatlong mga biktima.

Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng Batan PNP station hinggil sa nangyaring aksidente.

PATAY NA PAWIKAN NAPADPAD SA BAYBAYIN NG TAMBAK, NEW WASHINGTON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Not an actual photo. Lifted from the net.
Pinagkaguluhan ng mga residente ang isang pawikan na natagpuang palutang-lutang sa baybayin ng Brgy. Tambak, New Washington noong isang araw at naagnas na.

Sa ulat ng New Washington PNP station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang konsehal ng barangay sa lugar hinggil rito dakong alas-4:45 ng hapon.

Agad namang nagtungo sa lugar ang pulisya at humingi ng tulong ng Municipal Agriculture Office upang madokumento ang pangyayari.

Nabatid na ang pawikan ay may bigat na nasa 25 kilos at posible umanong nasa isang linggo nang patay. Samantala, posible umanong namatay ang pawikan dahil sa katandaan.

Ang hayop ay inilibing sa tabing-baybayin upang maayos na mai-dispose. 

Napag-alaman na ang pawikan ay isang uri ng hayop-dagat na nanganganib nang maubos.

2 TRICYCLE NAGKASAGIAN; DRIVER HINABOL NG ITAK NG KAPWA DRIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ang tinagang sasakyan at kargang yero.
Nabangga ang tricycle, sinuntok, hinabol ng itak, pinagtataga ang tricycle at ang kargang yero saka tinakbuhan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ito ang reklamo ng tricycle driver na si Regie Natabio, 35 anyos at residente ng Brgy. Mamba, Madalag sa Kalibo police station makaraang nabangga umano ng isa pang tricycle driver ang harapang gulong ng menamehong pampasahero tricycle.

Sinabihan umano ng biktima ang suspek na mag-ingat gayunman ay nagalit ito at sinuntok siya ng makalawang beses sa mukha. Gumanti naman ang biktima sa hindi pa nakikilalang suspek gayunman hindi niya inaasahan na kukuha ito ng dalang itak at hinabol ang biktima.

Dahil hindi naabutan ang biktima, ang tricycle nito ang napag-initan ng suspek kaya niya ito tinaga dahilan para mabasag ang salamin sa harapan nito maging ang yerong karga sa itaas ng sasakyan ay tinaga rin. Saka mabilis na tumakas ang suspek sakay ng tricycle patungo sa hindi na nalamang direksyon.

Maswerte namang nakunan ng litrato ng mag-inang pasahero at may-ari ng nasirang yero ang plate number ng sasakyan na QT-3787.

Iniimbestigahan na ng traffic investigation section ng Kalibo PNP station ang nasabing insidente.

ALITAN NG PUROK 2 AT 6 SA C. LASERNA, KALIBO, MULING SUMIKLAB; 1 BINARIL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Peace covenant signing. Energy File Photo.
Muling sumiklab ang alitan ng matagal nang nag-aaway na mga grupo sa C. Laserna, Poblacion, Kalibo makaraang sinugod ng Purok 6 ang Purok 2 kagabi kung saan isang menor de edad ang biktima ng panunutok ng kutsilyo at isa ang tahasang binaril.

Sugatan ang 16-anyos na si Wendell Dela Cruz, residente ng Purok 2 nang nilapitan ito ng suspek na kinilala ng biktima na si Gilbert at tinutukan ng baril sa ulo. Maswerteng nakayuko ang biktima bago tuluyang ipinutok ng suspek ang baril. Nagtamo ng tama ng baril sa kanang balikat ang biktima.

Samantala, isa pang 16-anyos na lalaki nagreklamo rin sa Kalibo PNP station makaraang tutukan siya ng  kutsilyo ng isang 20-anyos na suspek na kalaunan ay sumuko sa pulisya at ikinulong. Ang suspek na ito ay kinilala namang si Gerald Panagsagan alyas “Bulag”.

Ang mga suspek ay pawang mga residente ng sais samantalang ang biktima ay residente naman ng dos. Naglalaro umano ng basketbol ang mga biktima nang magakakasamang dumating ang mga suspek saka ginawa ang pagtutok ng kutsilyo at pagbaril sa mga biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente at sa agarang pagdakip sa suspek sa pagbaril.

Matatandaan na noong Sabado ay nagsagawa ng kasunduang pangkapayapaan ang mga nag-aalitang grupo sa mga nabanggit na lugar sa harapan ng mga opisyal ng LGU Kalibo at Kalibo PNP station.

KAPULISAN NAGPAALALA SA MAMIMILI NGAYONG PASKO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Siksikan sa isang establisyemento komersyal sa Kalibo.
Nagpaalala ang mga kapulisan sa mga taumbayan na daragsa ngayon sa bayan ng Kalibo sa bisperas ng Pasko upang mamili sa mga mall at palengke na maging mapagmatyag. 

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo PNP deputy chief PSInsp. HoneyMae Ruiz, sinabi nito na nakaalerto na ngayon ang kanilang himpilan para sa mga posibilidad ng aksidente at aksidente sa pagsalubong sa Pasko.

Ayon kay Ruiz, nakipagtulungan na sila sa mga Philippine Army upang magmanman at magbantay sa mga terminal at maging sa mga mall at palengke.

Ayon kasi sa deputy chief, kadalasan anyang nagaganap ang maraming mga kaso ng nakawan at iba pang mga aksidente at insidente sa panahon ng Kapaskuhan. Nilinaw naman niya na sa ngayon ay wala pa silang naitatalang malaking kaso kaugnay sa pagdiriwang na ito.

Sinabi niya na iwasan ang magpost sa mga social media na nagbibigay impormasyon sa mga may masasamang balak kung nasaan sila. High-tech narin anya ang mga criminal ngayon dahil binabantayan rin nila ang galaw ng posible nilang mabiktima.

Iwasan rin anya ang mga pagpapadeliver ng kung ano man. Gayundin, sa mga matataong lugar, iwasan na ilagay ang wallet o cellphone sa bulsa ng pantalon sa likuran. Mainam rin anya na gumamit ng sling bag at ilagay sa harapan. 

Sigaruduhin ring nakakandadong maigi ang bahay o di kaya ay itagubilin sa mapagkakatiwalaan kapitbahay kung hindi maiiwasang walang magbabantay.

Samantala, kung may ano mang mga reklamo o mga kahina-hinalang nakikita sa kanilang paligid ay agad anyang ireport agad sa kanilang himpilan.

Friday, December 23, 2016

MGA AKOMODASYON SA KALIBO HALOS PUNO NA SA NALALAPIT NA ATI-ATIHAN FESTIVAL

Nasa 70 porsyento na ang booking sa ngayon sa mga akomodasyon para sa taunang pagdiriwang ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival sa susunod na taon base sa Kalibo Ati-atihan Accommodation Association.

Sa isang panayam, sinabi ng president ng asosasyon na si Gerwin Garcia na inaasahan nila na magiging fully book na ang mga kuwarto na nakareserba sa highlight ng Ati-atihan.

Ang highlight ng Kalibo Ati-atihan ay magsisimula sa Enero 9 at magtatapos sa Enero 15 sa susunod na taon. Sinabi pa ni Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival Inc. chairman Albert Menez na magiging mas maganda at makulay ang pagdiriwang ngayong taon.

Sa Enero 9, ang highlight ay ang parade of Aklan festival showdown; sa Enero 10 ay parada ng mga estudyante at guro ng Department of Education; sa Enero 11 ay contest ng DepEd, “Sinaot sa Calle”; sa Enero 12 ay higante parade; sa Enero 13 ay parade of thanksgiving.

Samantalang sa Enero 14 ay ati-atihan contest at car show at street party, at sa Enero 15 naman ay ang religious procession at misa.


Sinabi rin ni Menez na bibisita rin ang ilang artista mula sa malaking TV network para sa isang konsyerto sa Enero 6.

AKELCO NASA RED ALERT STATUS NGAYONG KAPASKUHAN

Naka-red alert ngayon ang Aklan Elecrtric Cooperative (AKELCO) sa panahon ng kapaskuhan upang masiguro na ang suplay ng kuryente ay maging sapat para sa buong lalawigan, lalu na sa Isla ng Boracay.

Sa isang panayam, sinabi ni AKELCO assistant general manager for engineering Engr. Joel Martinez na nagtalaga na sila ng 25 mga tauhan sa isla na magtratrabaho sa loob ng 24/7 upang seguraduhin ang power reliability.

Sinabi pa ni Martinez na sila ay inabisuhan na na maging alerto upang rumesponde sa ano mang kaso ng major power failure.

Matatandaan na sa mga nakalipas na buwan, ang AKELCO ay binabatikos dahil sa mga sunud-sunod na kaso ng mga power failures. Ilang mga resort ang nagrereklam
o na nawalan ng milyon-milyong halaga ng pera dahil sa pagkasira ng kanilang mga appliances dala ng palyadong kuryente.

Pinasiguro naman ni Martinez na ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang masiguro ang maayos na suplay at daloy ng kuryengte. Giniit rin niya na isa umano sa dahilan ng pagpalya ng kuryente ay dahil sa malakas na ihip ng hangin sa isla.

Hinikayat rin niya ang mga member-consumers na kung maaari ay iulat kaagad ang mga problema sa kanilang lugar upang maaksyunan ng kanilang tanggapan. Ngayon kasing Pasko at Bagong Taon ay inaasahan ang mataas na demand ng elektrisidad.

MANGROVE PARK, STATE UNIVERSITY IPAPANGALAN SA YUMAONG SI ATTY. QUIMPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maaaring ipangalan ang multi-awarded Bakhawan Eco-Park at Aklan State University sa yumaong si Atty. Allen Salas Quimpo.


Ito ang proposal ni Aklan Press Club chairman emeritus Juan “Johnny” Dayang sa kanyang naging mensahe sa isinagawang necrological service ng nabanggit na organisasyon para kay Atty. Quimpo kahapon ng umaga sa ABL Sport Complex.

Si Atty Quimpo ang nagpasimula ng pagtatanim ng bakhawan sa maputik na tabing-dagat sa Brgy. New Buswang noong 1990. Sa ngayon ay isa na itong reforestation site para makapigil sa pagbaha at storm surge sa komunidad.

Ang mangrove park na ito ay isa na sa mga matagumpay na reforestation project at nakatanggap ng ilang mga pagkilala sa UN.

Samantala, si Quimpo rin ang naging daan upang maitatag ang Aklan State University (ASU)  noong siya ay naglilingkod pa bilang kongresista. Ito rin ang dahilan kung bakit siya tinaguriang “Ama” ng nasabing eskwelahan (RA 9055).

Nabanggit rin ni Dayang ang kanyang proposal na ipangalan rin ang School of Mass Communication sa dating presidente ng Northwestern Visayan Colleges.

Paliwanag ni Dayag, ito ay isang paraan upang bigyang parangal at alalahanin ang mga nagawa ni Quimpo sa lalawigan.


Matatandaan na si Quimpo ay binawian ng buhay sa edad na 71 noong Disyembre 14 habang ginagamot sa sakit na pancreatic cancer sa isang ospital sa Manila. 

PAKIKIRAMAY SA NAIWANG PAMILYA NI ATTY QUIMPO, BUMUHOS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Bumuhos ang pakikiramay sa naiwang pamilya ni dating kongresista at alkalde ng Kalibo na si Atty. Allen S. Quimpo bago siya inihatid sa kanyang huling huntungan ngayon araw.

Kahapon ay inilipat ang labi ni Atty. Quimpo sa ABL Sports Complex sa kapitolyo mula sa kanilang ancestral house. Dito ay sunud-sunod ang mga idinaos na necrological service ng iba-ibang grupo kabilang na ang lokal na pamahalaan ng probinsiya. Nagbigay-daan ito sa lahat na masilayan ang kanyang labi bago siya ilibing.

Kabilang sa mga dumalaw ay ang malapit na kaibigan na si Atty. Salvador Panelo, presedintial legal counsel adviser at dating kaklase sa University of the Philippines, sa isinagawang necrological service ng Aklan Press Club sa kanilang yumaong legal adviser.

Nagsagawa rin ng hiwalay na necrological service ay munisipyo ng Kalibo, at Joycees club.

Nagpaabot rin ng kani-kanilang resolusyon ng pakikiramay sa pamilya ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan. 

Sa kanya namang mensahe, malaki ang pasasalamat ni governor Florencio Miraflores sa itinuturing na niyang kapatid na aniya marahil ay wala siya sa politika kung wala si Atty. Quimpo.

Si Atty. Quimpo ay inilibing ngayong araw sa Medalla Milagrosa cemetery makaraan ang huling mesa para sa kanya na idinaos sa St. John the Baptist Cathedral.

Wednesday, December 21, 2016

MAG-ASAWA NAKURYENTE SA BALETE, AKLAN; ISA PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang magsasaka matapos makuryente sa Brgy. Arcanghel, Balete kahapon ng hapon. Nakuryente rin ang kanyang asawang babae makaraang subukan siyang hilahin sa pagkakadikit sa live wire.

Ayon kay PO2 Jameo Mondia, imbestigador ng Balete PNP station, nakatanggap sila ng tawag mula sa lineman ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na kasalukuyang nag-aayos ng linya sa naturang lugar na nagbigay-alam sa kanila hinggil sa nasabing insidente.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:00 ng hapon nang pumutol ng puno ng saging ang biktimang si Rafael Lumio, 71 anyos at residente ng nasabing lugar, sa kanilang bakuran. Natumba ang puno sa live wire ng AKELCO at sa kanyang pag-lilinis sa lugar ay aksidente siyang nakuryente.

Naabutan na lamang siya ng kanyang asawang si Marissa, 54, na nakahiga na sa lugar. Sinubukan pang hilahin ng babae ang asawa gayunman ay nakuryente rin siya at halos kalahating oras umano bago nakabitaw sa pagkakadikit.

Agad na humingi ng tulong ang asawang babae sa mga kapitbahay upang maalis ang kanyang asawa at bagaman naisugod pa ito sa provincial hospital ay diniklara rin itong dead on arrival.

NUMANCIA INTEGRATED SCHOOL NILOOBAN; P20,000 HALAGA NG PERA NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Numancia IS file photo by Panoramio

Nilooban ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang Numancia Integrated School sa Poblacion, Numancia kaninang madaling araw kung saan natangay ng di pa nakikilalang suspek ang nasa mahigit Php20,000.00 na pera.

Ayon sa imbestigador ng Numancia PNP station na si PO3 Eric Lachica, natanggap nila ang impormasyon dakong alas-8:00 ng umaga kanina.

Sa paunang imbestigasyon, napag-alaman na inakyat ng suspek ang gusali at pwersahang sinira ang bubungan ng restroom. At habang nasa loob ng administrative building, sinira ng suspek ang kabinet na yari sa hardiflex at nabuksan ang kaha de yero at natangay ang nabanggit na halaga ng pera mula sa loob nito.

Nabatid na ang perang ito ay nasa pangangalaga ng cash disbursing officer ng paaralan na si Jean Salvador, 37 anyos.

Sinabi pa ng imbestigador na bagaman may guwardiya sa nasabing eskwelahan, hindi umano namalayan ng guwardiya ng mga pangyayari. Nabatid na malakas ang buhos ng ulan ng gabing iyon.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng Numancia PNP station ang nasabing insidente.

ATLETANG AKLANON NAG-UWI NG 7 MEDALYA MULA SA SWIMMING COMPETITION SA DUBAI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
PSL Kyla Soguilon kasama si
Olympic Gold medalist Adam Peaty.
photo (c) Kyla Soguilon FB

Nagdala ng karangalan sa bansa at sa lalawigan ng Aklan si Kyla Soguilon matapos mag-uwi ng pitong medalya sa kakatapos lang na 2016 Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championship sa Dubai, United Arab Emirates.

Si Soguilon ay itinanghal na Most Outstanding Swimmer sa 12-and-under division sa nasabing international competition matapos makuha ang isang ginto, isang bronze, at limang silver medal. 

Nanguna ang 12-anyos na swimmer mula Kalibo, Aklan sa 12-and-over 100 meter freestyle event sa oras na 1:05.37.

Nasungkit rin niya ang limang silver medal sa 12-and-over 400 meter individual medley, 50m freestyle, 50m backstroke, 200m backstroke at 100m backstroke. 

Samantala nakuha naman niya ang bronze medal mula sa 100 meter butterfly.

BAHAY SA MABILO, AKLAN NILAMON NG APOY


ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo



Nilamon ng apoy ang isang buong bahay sa So. Pudlon, Brgy. Mabilo, Kalibo kahapon ng tanghali.


Sa report ng Bureau of Fire-Kalibo sa pamamagitan ng imbestigador na si FO3 Josepg Dapitillo, nangyari umano ang sunog dakong alas-12:30 ng tanghali.

Ang nasabing bahay na yari sa mga konkretong materyales ay pinagmamay-arian ng yumaong si Lucia Yasa at binabantayan ni Belly Patricio, 54 anyos at residente ng nasabing lugar. Maswerte namang nakaligtas ang babae sa nasusunog na bahay.

Naapula ang sunog matapos ang isang oras.

Tinatayang nasa Php100,000 ang dulot na pinsala ng nasabing sunog.

Samantalang inaalam pa ng mga awtoridad ang naging sanhi ng nasabing sunog.

26-ANYOS NA LALAKI NALUNOD, PATAY

ulat nina Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by PDRRMO-Aklan
Patay na nang matagpuan ng mga rescuer ang isang 26-anyos na lalaki matapos malunod at inanod ng malakas na alon kahapon ng umaga sa Brgy. Bakhaw Norte.

Ang biktima ay kinilalang si Rafael Tacas, 26 anyos at residente ng Brgy. Pook, Kalibo.

Ayon sa salaysay ng kanyang bayaw na si Deo Salabante na nagtungo umano sila kasama ang biktima sa baybayin ng Bakhaw Norte upang manguha ng kabebe dakong alas-9:30 ng umaga.

Habang nasa kasagsagan ng pangunguha ng kabebe ay nalunod ang biktima at tinangay ng malakas na alon . Maswerte namang nakaligtas si Deo pero hindi nya na natulungan ang biktima dahil sa bilis ng pangyayari.

Samantala nagsagawa ng rescue operation ang mga MDRRMO-Kalibo kasama ang PDRRMO-Aklan, at natagpuan nila ang bangkay ng biktima sa Brgy. Lambingan beach, Pook dakong alas-5:30 na ng hapon.

Tuesday, December 20, 2016

OPA-AKLAN NAGBABALA SA PAGLAGANAP NG MGA GULAY NA NILALAGYAN NG PRESERVATIVE

Nagbabala ngayon ang Aklan Office of the Provincial Agriculture (OPA) sa taumbayan kaugnay ng posibleng paglaganap ng mga gulay na nilalagyan ng preservative lalu ngayon panahon ng Kapaskuhan.

Napag-alaman kay Uldarico las Pinas, high value crops coordinator ng OPA, na nakatanggap umano sila ng ilang reklamo mula sa taumbayan kaugnay rito.

Nilinaw naman nito na walang kakayahan ang kanilang tanggapan dito sa lalawigan upang magsagawa ng sayantepekong pagsusuri kung ang mga gulay ay nilagyan ng preservative of gawa sa synthetic materials.

Kaugnay nito, sinabi niya na walang kakayahan ang OPA para matukoy ang mga responsable sa mga gulay na nilagyan ng preservative.

Gayunman, iginiit niya na magbibigay sila ng babala sa mga taumbayan at hikayatin silang maging mapanuri sa mga bibilhing gulay lalu na umano ang mga repolyo. Makakabuti anya na bumili nalang sila ng gulay mula sa bakuran o magtanim ng sarili.

Pinangagambahan kasi ng ilang mga residente na maari silang magkaroon ng cancer sa pagkain ng mga ganitong uri ng gulay.

FUNERAL MASS IDARAOS PARA KAY ATTY. QUIMPO SA BIYERNES

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakda isagawa ang isang funeral mass sa darating na Biyernes para sa dating kongresista at dating alkalde ng Kalibo na si Atty. Allen S. Quimpo. Gaganapin ito sa St. John the Baptist Cathedral, Poblacion, Kalibo dakong alas-9:00 ng umaga.

Pagkatapos ng misa ay nakatakda siyang ilibing sa Medalla Milagrosa Cemetery sa Kalibo.

Ang labi o abo ng namayapang si Atty. Quimpo ay nakahimlay ngayon sa kanilang ancestral house kalapit ng NVC Carmen hotel.

Samantala, sa araw naman ng Huwebes ay may gaganapin ring Requiem Mass at Necrological Service sa ABL Sports Complex sa kapitolyo banda alas-8:00 ng umaga.

Inaasahan na dadaluhan ito ng mga Northwestern Visayan Colleges (NVC) alumni, faculty and staff at mga estudyante.

Si Atty. Quimpo ay naglingkod na presidente ng NVC bago siya pumanaw sa edad na 71 sa sakit na pancreatic cancer nong Disyembre 14.

Bago paman siya binawian ng buhay ay gumaganap na ang kanyang anak na si Allan Angelo Quimpo, NVC human resource officer, bilang kahalili niya.

PROBINSIYA NG AKLAN NAKATANGGAP NG 5 BAGONG AMBULANSYA MULA SA PCSO

photo by PIA-Aklan
Nakatanggap ng lima na bagong ambulansiya ang lalawigan ng Aklan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang mga ito ay tinanggap ng mga opisyal at kinatawan ng mga lokal na pamahalaan ng Tangalan, Malinao, Ibajay at Buruanga. Nakatanggap rin ang Aklan Cooperative Mission Hospital.

Ang turn-over ceremony ay isinagawa kahapon sa ABL Sports Complex ay pinangunahan nina PCSO General Manager, Alexander F. Balutan with Atty, Reena Yason at PCSO-Kalibo Manager Mon Alipao.

SP KLAN HANGAD NA MAGAWARAN NG ISO CERTIFICATION

Naghahangad ngayon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Aklan na magawaran ng International Standardization Organization (ISO) accreditation.

Ito ang ipinahayag ni vice governor Reynaldo Quimpo sa kasagsagan ng Christmas party ng SP na idinaos sa isang restaurant sa Brgy. Andagao, Kalibo kahapon ng gabi. Sinabi rin niya na ang kanyang asawa at dating vice governor Gabrielle Calizo-Quimpo ay nagkikipag-ugnayan rin para sa ISO certification.

Ayon pa kay Quimpo na nagsasagawa rin sila ng mahigpit na ugnayan sa Anglo Japanese American para sa pag-comply ng mga kinakailangang dokumento para sa sertipikasyon.

Bilang bahagi ng requirement, ang sanggunian ay nakatakdang mag-inagura ng bagong SP building. Inaasahan na ito ay magiging isang modernong legislative office.

Hinikayat rin ni Quimpo ang mga lokal na media na makibahagi sa lahat ng mga gawain ng sanggunian upang magkaroon ng isang transparent na pamamahala at ganoon rin ay matulungan ang taumbayan sa probinsiya.

Ikonokonsidera ni Quimpo ang media bilang kanilang kaibigan sa mga ng pag-unlad.

Monday, December 19, 2016

BAHAY SA BAYAN NG KALIBO NILOOBAN; MGA GADGET AT PERA NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
by Ponaramio

Nilooban ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang isang bahay sa Brgy. New Buswang, Kalibo kung saan natangay ng suspek ang mga gadget at pera ng may-ari.

Ayon sa report ng Kalibo police station, nagising umano ang biktimang si Nigie Tumaob, 41 anyos, dakong alas-4:00 ng madaling araw ng mapag-alaman niyang nawawala na ang kanyang mga gadget at pera.

Sinabi ng biktima na nakuha sa kanya ang tatlong yunit ng cellphone, isang tablet, dalawang ATM card, at iba pang mga dokumento at ID. 

Posible umanong dumaan sa sliding window ng bahay ang suspek saka tinangay papalabas ang mga nalimas na mga gamit at pera na nakalagay sa sala ng nasabing bahay.

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakalinlan ng suspek at sa agad na pagkadarakip nito.

ENERGY SPECIAL REPORT: KUNG PAANO NAGING DOCTOR SI ATTY. ALLEN S. QUIMPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Marami parin ngayon ang nalilito kung bakit tinatawag na doctor si Atty. Allen S. Quimpo. Paano nga ba siya naging doctor?

Dahil sa mga hindi matatawarang naiambag sa taumbayan, si Atty. Quimpo ay ginawaran ng Doctor of Humanities o Honoris Causa ng Aklan State University (ASU) noong nakaraang Marso 31, 2015. Ginawa ito sa kasagsagan ng Commencement Exercise ng ASU Banga Campus sa kanilang Ampi Theatre.

Napag-alaman na sa buong bansa ay dalawa lamang siya na nagawaran ng ganitong pagkilala. Ang isa pa ay ang batikanang brodkaster na si Jessica Soho.

Sa panayam ng tagapagsulat na ito noong nabubuhay pa siya, sinabi ni Atty. Quimpo na malaki ang pasasalamat niya sa mga taong  binibigyang halaga ang kanyang mga ginagawa. Paliwanag niya na marahil malaki ang pagkilala ng ASU sa kanyang mga nagawa bikang Chairman of Education sa kongreso. Sinabi niya na sa pamamgitan niya ay naitatag ang ASU.

Naniniwala siya na ang “Pilipino ay magaling na lahi, mamtalinong lahi”. Ang bansa anyang ito ay isa sa mga pinakamayaman bansa sa buong mundo. “Kung hindi man naging maganda ang kalagayan natin ngayon, it was due to depicts in policies, hindi sa nature o character natin,” paliwanag pa niya.

Sa kung anong dapat itawag, sinabi niya na maaari siya tawaging doctor sa akademikong katungkulan niya pero pwede siyang tawaging attorney sa kakayahan niyang maglingkod sa mga tao. Sinabi pa nito na wala namang problema kung sa kung ano ang itawag sa kanya.

Si Quimpo ay nagtapos sa University of the Philippines kung saan niya nakamit ang degre sa abogasiya.

2 LALAKI HINOLD-UP SA KALIBO, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hinold-up ang dalawang lalaki habang naglalakad sa madilim na bahagi ng Calachuchi Road, Brgy. Andagao, Kalibo dakong alas-9:25 kagabi.

Sa report ng Kalibo PNP station, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang tauhan ng Bureau of Fire Kalibo na nagsabing may nangyaring insidente ng pangho-hold-up sa nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon, kinilala ang mga biktima na sina NiƱo Ricky y Iban, 32 anyos, residente ng Oliveros Place, Kalibo at Val Evangelista y Felizardo, isang menor de edad, residente ng N. Roldan St., Kalibo.

May lumapit umanong dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki saka hinold-up. Nakuha ng mga suspek ang Php3,500.00 at isang yunit ng cellphone.

Ang kasong ito ay iniimbestigahan na ngayon ng Kalibo PNP station.

MGB: WALANG MINERAL NA ILULUWAS NA SAND AND GRAVEL MULA SA AKLAN RIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang anumang kasamang mineral ang kukuning sand and gravel mula Aklan river kaugnay ng nakatakdang pag-dredge ng ilog. Ito ang nilinaw ng mga kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa nakaraang pagtitipon ng Multi-partite Team (MMT) kasama ang mga opisyal at ilang residente ng mga apektakdong barangay ng nasabing proyekto.

Sinabi rin ng MGB na hindi nila pahihintulutan na may makalabas na anumang uri ng mamahaling mineral na makakasama sa iku-quarry na sand and gravel sa isasagawang dredging ng Santarli company sa Aklan river kaugnay ng flood mitigation project ng gobyerno.

Nanindigan rin ang MGB na ang pagsusuring ginawa nila sa sand and gravel mula sa ilog ang lehitimo at opisyal. Kinatigan naman ito ng mga miyembro at opisyal ng MMT makaraang kuwestiyon ng ilan ang pagsusuri ng naturang ahensiya. Nagdududa kasi ang ilang residente ng mga apektadong barangay na baka may yaman sa iluluwas na mga buhangin at bato patungong Singapore.

Samantala, napagkasunduan sa nasabi ring pagpupulong na maging bahagi na ng MMT ang mga kinatawan ng walong apektadong barangay at makakasama sa isasagawang a-stake survey ng Santarli company sa ilog. Ang a-stake survey ay kakailanganin upang makapagbuo ng desinyo at plano ng dredging project na siyang isusumete sa DENR at DPHW.

Ang MMT ang siyang magbibigay ng signal kung pwede ng magsimula ang proyekto.


Matatandaan na dumating na ang barko dito sa probinsiya mula Singapore na siyang gagamitin sa pagdredge ng ilog.

2 CONSTRUCTION WORKER SINAKSAK SA X-MAS PARTY; SUSPEK KALABOSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dalawang construction worker ang sinaksak sa kasagsagsagan ng Christmas party kagabi ng kanilang kapwa trabahante sa ginagawang extension ng provincial hospital.

Kinilala ang mga biktima na sina Vic Suniega, 27 anyos, at Angel Dela Cruz, 41, pawang mga residente ng Pook, Kalibo. Samantalang ang suspek ay kinilalang si Jerry Valde, 31, ng Libang Makato.

Sa report ng pulisya, dakong alas-6:30 ng magkaroon ng mainitang pagtatalo sa mga biktima at sa suspek. Pinagtulungan umano ng mga biktima kasama ang hindi pa nakikilalang lalaki ang suspek. Dahil rito napilitan ang suspek na depensahan ang sarili at sinaksak ang dalawa.

Nagtamo ng saksak si Vic sa dibdib, samantalang si Angel ay nagtamo ng saksak sa dibdib. Ang mga biktima ay naka-confine ngayon sa provincial hospital para malapatan ng kaukulang lunas. 

Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at nakapiit ngayon sa Kalibo police station. Narekober naman ang ginamit na swish knife.

TIYUHIN BINARIL NG 28 ANYOS NA LALAKI; SUSPEK KALABOSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 28 anyos na lalaki matapos niyang barilin ang sariling tiyuhin sa So. Binitinan, Brgy. Oquendo, Balete, Aklan banda alas-10:00 ng gabi.

Sa report ng Balete police station, nag-iinuman umano ang biktima na si Johnny Zolina, 60 anyos, kasama ang suspek ni si Zaldy Zemato, 28
, pawang mga residente ng nasabing lugar kasama ang kanilang mga kamag-anak nang mangyari ang nasabing insidente.

Nagkaroon umano ng mainitan pagtatalo sa dalawa dahil sa kalasingan at hindi nakapagpigil ang suspek at kumuha ito ng homemade shotgun at binaril ang biktima na natamaan sa kanyang paa.

Agad na isinugod ang biktima sa provincial hospital at naka-confine pa ngayon sa surgical intensive care unit ng pagamutan. Samantalang ang suspek ay naaresto naman ng mga rumespondeng kapulisan at nakapiit ngayon sa Balete PNP station.

MGA FRAT AT GANG SA KALIBO NANGAKONG TITIGIL NA SA KANILANG ALITAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nangako ang mga nag-aalitang mga fraternity at gangs sa Brgy. Poblacion, Kalibo na titigil na sa kanilang mga alitan at paggawa ng mga iligal na aktibidad.

Ito ay makaraang naglagda ang mga grupong ito ng peace covenant noong araw ng Sabado sa presensiya ni mayor William Lachica, at ni Kalibo PNP Chief Inspector Terence Paul Sta. Ana, ilan pang mga opisyal ng bayan at barangay at kapulisan.

Ayon kay Sta. Ana, ang paraang ito ay naglalayong mapagkasundo ang mga nag-aalitang grupo, magkaroon ng maayos na samahan at mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa komunidad.

Nakasaad sa peace covenant na kanilang nilagdaan ang pagtigil sa paggawa ng mga frat wars, paghinto sa mga iligal na aktibidad at paggawa ng mga petty crimes.

Nangako naman ang pulisya na patuloy silang magbibigay ng edukasyon sa mga kabataang sangkot at magsasagawa ng mga programa na makakatulong sa kanilang mapaunlad at mapabuti ang kanilang mga sarili.

Pagkatapos ng nasabing covenant signing, ang mga frat at gang members at mga opisyal ay nagkaroon ng isang boodle fight sagisag ng pagkakaisa at paggalang.